Pasakay sya ng tricycle pero hindi sya naka uniporme. Walang pagbabago sa feelings ko para kay Mona pwera sa namiss ko syang talaga dahil sa ilang linggo kong pagkawala. Walang masyadong tao sa kalsada gaya ng gusto kong mangyari. Gusto kong makauwi kami ni Ate Ruby ng tahimik lang.
Salamat at pagkatapos ng ilang linggo kong pagkawala ay nakauwi na rin sa wakas. Ganun ko pa rin inabutan ang loob ng bahay, ang naiwang baso sa ibabaw ng lamiseta, ang usual na pagkakatali ng kurtina, at ang nakaawang na pinto ng banyo. Binuksan ko ang radyo pero pinahina ko lang ang volume. Naupo si Ate Ruby sa sofa, tahimik at kahit diko lingunin ay alam kong umiiyak na naman sya. Binuksan ko ang ref tuloy tuloy sa freezer.
Kinugalian ko ng maglagay ng isang basong tubig dun para hintaying magyelo at sa tagal kong nawala, ayun yelong yelo na nga pati labas ng baso. Kahit mahihirap lamang kaming magkakapitbahay palagay ang loob ko sa kanila, alam kong di nila pakikialaman ang bahay namin, siguro dahil na rin yun sa pakikisama namin sa kanila lalo ni nanay. Bagay na lubos kong ipinagpapasalamat sa Diyos dahil ibinigay nya sa amin ang isang inang may dakilang puso na nag-alay ng panahon lalo’t higit ay pagmamahal hindi lang para sa amin na galing sa laman nya kundi maging sa mga taong natulungan nya sa kahit anong maliit na paraan. I have so many reasons to be proud of her, and I want to make sure na ang magagandang lessons na naituro nya sa akin ay maipapamuhay ko dahil alam kong yun ang pinakamagandang gift na matatanggap nya from me kahit nasaan man sya. Kinuha ko ang bolang regalo nya sa akin at ang manikang bigay naman nya kay ate Ruby nung bata pa sya. Iniabot ko kay ate ang bola at kinalong ko naman ang manika. “ate ha, hindi ako mag ko=confess na bading ako…I just want to show you kung anong sitwasyon ang meron tayo sa ngayon” may konting sumiwang na ngiti sa mga mata nya.
Alam kong kakatwa ang ginagawa ko pero para sa akin ang pinakamahalaga ay maipaliwanag ko sa kanya sa abot ng aking makakaya ang pwede naming magawa sa gitna ng pinagdadaanan namin. “tingnan mo ate ang bolang yan, halos ilang taon na rin yan diba, at kahit nabura na ang design, mapapansin mong malinis kahit palagi kong ginagamit. Alam mo kung bakit?…dahil nakikita kong pinupunasan yan ni nanay” sabi ko sa masiglang boses. “tingnan mo naman tong manika mo, dalaga kana ngayon at halos pwedeng pwede kana mag-asawa pero kahit sinulat sulatan mo ang mukha ng manika mo pansin mo pa ring nanatili itong maayos, tinahi at pilit ibinalik ni nanay sa dating porma ang manika mo….kase…” at napayakap na lang sa akin si ate Ruby.
Sa pagkakataong yun, niyakap ko sya at muling hinintay na kumalma ang nararamdaman nya. “ate, kailangan nateng tanggapin ang kahit anong nangyari o mangyayari sa aten…tutulungan mo ako at tutulungan kita…kung sa ngayon, ako ang may lakas ng loob pwes ibabahagi ko sa’yo to at ganun ka rin sa akin” sabi ko at tumunghay na sya.”salamat bunso…”sagot nya at bahagya na lamang ang mga hagulhul nya ng iyak. Nagpunta ako sa kusina at naglinis ng lababo, hinugasan ko ulit ang ilang plato at baso at nagsaing na rin.
Tsinek ko kung may pwedeng lutuin sa ref at may nakita akong tocino kaya niluto ko. saktong naluluto ang kanin ay hinahango ko naman ang tocino, naghain ako at naghiwa ng kamatis para sa dalawang pirasong itlog na maalat. Yayayain ko na sanang kumain si ate pero inabutan ko syang nakasandal sa sofa at nakapikit, malamang sa pagod at sa pag-iyak ay nakatulog na.
Ginising ko sya para kumain kami na magkasalo, ayaw ko syang bigyan ng pagkakataong maging matamlay at akupahin ang isip nya ng mga kalungkutan at pagdadalamhati. “ate dumating na ang delivery man…. nagpadeliver kaba?” sabi ko at nagulat sya. “bunso pasensya kana sa ate mo ha, ako ang cook sa resto pero ikaw pa itong nagluto” sagot nya habang aktong inaabot ko ang kamay nya para tumayo. “ate, para naman maranasan mong kumain ng luto ng iba, lalo luto ko pa. aba masarap ata akong magluto” sabi ko sabay ngiti. Kumain na kami at talagang ginanahan ako ng pagkain.
Namiss kong kasalo si ate at namiss ko ang lutong bahay at higit sa lahat ay gusto kong i-inspire si ate Ruby. “pa…..paano na ang pag-aaral mo bunso?” sabi ni ate na medyo gumagaralgal na naman ang boses. “ate, kumain na muna tayo, saka na naten pag-usapan ang iba pang mga bagay kapag busog na tayo para malasahan naten ang biyaya ni God…’wag ka magwori ate, alam kong inaalala moko at future ko, at sobrang salamat na dun ate kase kapakanan ko ang iniisip mo.”sabi ko sabay nilagyan ko ng tubig ang baso nya.
Nakarami sin sya ng kain at inubos ko naman ang tira sa mangkok. “hala ate, kunin nyo na lang ako sa resto nyo, kita mo yan ang sarap ng kain naten sa niluto ko oh…” sabi ko habang nakatitig sya sakin. “ate, gumagwapo naba si bunso mo?…” dugtong ko pa at muli napangiti ko sya. Tumayo na ako para ligpitin ang kinainan namin. Tahimik pa rin si ate Ruby pero hinayaan ko na lang muna sya, gusto kong maipahinga nya ang isip nya at gusto kong mas matanggap nya ang nangyari kay nanay para ng sa ganun ay dumaan sya sa tamang proseso ng pagpapagaling ng sugat na nilikha ng pagkawala ni nanay.
itutuloy…..
imysm….baci!
@Bless…..baci?????? (ano yun basiliooooooo???) hahaha joke lang!