ISANG PASYA

Bago ako tuluyang umalis gusto ko ulit iwan ang isang mensahe…

 

Paalam at maraming salamat sa inyong lahat…

 

Nyt! Morning!

 

 

byahe…

may training daw ako sa head office namin na nasa kulang o lagpas 3 oras ang layo o tagal ng byahe mula sa lugar ko, yan ay ayon sa ipinadalang abiso ‘nung amo kong magaling mag tantya at mangapa ng sitwasyon ng tao nila. So ano ang magiging set up ko nito? papasok ako bukas ng maaga para magawa ang mga gawain kong pang isang araw at pupunta sa dubai para salubungin ang nakakapanakit na likod na byahe at pakikibaka sa mga iba’t ibang uri ng tao sa kalsada.2pm to 5pm oras dito ang sked ko, so pagkatapos ko ng training, uwi ulit ako dito at kung darating ako ng mga 8:30pm daan ako opisina para bawasin ang ilang napending na trabaho, kung gabi na naman masyado ay uwi nako sa bahay, luto, pahinga at gising ng maaga para pumasok ng maaga at magawa ang mga reports ko kahit ‘di naman talaga ako taga media. Ano pa? aalis na ulit ako para bumyahe pabalik sa training ko…simple lamang ito kung tutuusin diba pero may mas simple pa akong naiisip…pwede namang isang araw n lang akong i-train at kung naiisip nya na ako ang pinakamalayo sa lahat ng branch na meron kami sana maiisip nyang mahihirapan ako at ano pa ang mga katumbas ng sakripisyong ito ng pansamantalang pagkawala ko sa upuan ko ng 2 araw?

1. ‘diko alam kung bakit nagpaalam ka na nga at sukat at naibiling mawawala ako ay parang mga malalanding kambing na pilit ka pa ring tatawagan at hahanapin at kung ano-ano ang hahanapin sa’yo, hello dala ko ba sa utak ko ang excel sheets at mga kung ano ano pa?

2. at lalabas pa ang mga malalakas na bunga na magsisilitawan sa panahong nasa siksikan ka ng pila sa pagbili ng ticket sa bus habang sinisiksik ka ng mga mababangong kapwa ko tao at itatanong na bakit dimo sinasagot ang extension ko? hello? maskara?

3. ‘di ako sanay sumakay ng tren at sabihin mo ng probinsyano ako, eh ano ngayon?

4. wala na akong pera sa ngayon…at sobrang mamimiss ko agad ang nakasanayan kong mga gawain…

 

Pasensya na ang ilang nananakawan ko ng ilang minuto para sa walang kakwenta kwentang litanyang ito…

 

at para sa boss ko, salamat sa pagpapatrain sa akin…sana matutunan ko agad…iloveyou !!! axe?

—————–

isang nakakaasar na hapon…

— talo ang purefoods ko

— ang balitang sa bagong system may posibilidad na wala ng YM at wala ng wordpress…

— ang tatlong beses na pag tri-trip off ng kuryente, kasunod ang pagrereset ng computer at ng bwieit na server sa opisina ko pa napapwesto…

— ang mga lapastangang ka-kumpanya…

— at sa totoo lang, hindi nakakatuwang biro ang ” something wrong? ” at ang nakaka-insultong ngiti habang nagmamadali kang mag-ayos ng lahat…

utut kayong lahat…

— at alam ko ako lang ang apektado…

salamat

sa huli, gusto kong kumain ng isang pizza, mag-isa!

ampalaya

mapait pero masustansya at gamot sa diabeties…

ang lalim nung description na yun at umaasa akong nakuha nyo rin…

baskEtVOL & letting go!

Habang ako’y naglilibang at humahanga sa mga pinapanood ko sa youtube na mga NBA greatest shots may isang ideyang pumasok sa utak ko, may relasyon pala ang pagmamahalan sa basketball. Kung ano ang mga ito, lika sa baba dali…

1. Sabihin na nateng ang player ay ikaw, ang partner mo naman ay ang team mo at ang kontrata ay ang pagmamahal, naglalaro ka sa team mo dahil sa kontratang nag-uugnay sa inyo, ginagawa mo ang lahat na dapat gawin dahil mahalaga sa iyo ang nakasaad sa kontrata, kesohodang magkabali-bali pa ang katawan mo o makasapak ka ng fans. Ang mga nanonood, pumupuri man o nagmumura sa mga ginagawa mo ay sya ring mga tao sa paligid mo sa isang relasyon na bumabato ng salitang “boooooo” o ang ilang mga nakaka-apreciate (nabubulagan) na nagpapalakpakan sa bawat galaw mo sa loob at labas ng relasyon nyo. Marami kayong pagdadaanang laban ng team mo sa itatagal ng serbisyo mo sa kanila, talo man o panalo kayo pa rin ang magkasama dahil “b(l)inded” kayo. Ang turning point dito ay kung magkasawaan kayo sa isa’t isa at mabuwag ang kontrata na maaring dahil nawalan ng gana sa paraan ng pagsho-shoot mo ang team mo o ikaw naman ang nawalan ng ganang magsuot ng unipormeng luma na at nakasanayan. Umalis ka sa team mo kung dumating ang oras na ‘yon dahil ang palaging pinag-uusapan nyo sa loob ng mahabang panahon ay kung paano mananalo at kung wala ka ng balak maglaro ng maayos, sagabal ka lamang sa kanila at ‘di mo matutupad ang nasa kontratang pagmamahal. Hayaan mong ang maraming iba pang reserba sa paligid ang pumalit sa posisyon ng isang player na nawalan ng motibasyong ipanalo ang pagmamahalan ng partner nya. Hindi na rin tamang makipag ensayo ka pa sa kanila sa panahong hindi ka na nila player, magugulo lang plays nila at ang totoo ay imposible ka na namang bumalik pa. Maglaro ka sa team na gusto mo at sa kontratang panibago rin na sa palagay mo ay kapapalooban ng kapanatagan para sa iyo.

 

2. Ang player pala kahit may nakapataw na baned o pagbabawal na maglaro ay pwede pa ring makasali, saan? syempre doon sa mga liga na tanggap ka at papayagan kang maglaro. Paano? ang una mong dapat gawin ay ilatag ang mga ipinagmamalaki mong tirang patalikod, naka-ukbot, nakatagilid, nakadapa, nakasubsob, nakahiga, tirang malayo, tirang relax lang, tirang imposoble pero lahat swak na swak at kapapanabikang makita ng target mong maging team na gawin mo ‘yon sa kanila sa ligang alam nilang may tsansang sila man ay mapatawan ng mas higit na parusa. Sa maniwala kayo o hindi katotohanan lang na maraming team ang kukuha sa ganitong uri ng player kahit kaalinsabay noon ay ang panganib na maaring ikabuwag at tuluyang ikamatay ng buong sistema ng team ang pagkahuli sa kanila.

 

3. Maraming rules at komplikado ang baskEtVOL na ito, masalimuot pero exciting, kadalasan palaging may gameplan pero hindi lahat ay nasusunod dahil dumedepende ang lahat sa magiging reaksyon ng pagkakataon, ng kalaban at ng sitwasyon ang bawat kilos ng player. Hindi mo maaring ipasa pa ang bola kung aabutan ka na ng pagtunog ng shotlock, kagaya ng hindi mo kailangan iwan ang mga mensahe ng iba sa cellphone mo o mails para abutan doon ng partner mo sa kasalukuyan.

 

4. Maraming coach at miron sa larong ito. Si bestfriend mo, si ganito, si ganyan coach mo yan na palaging magsusul-sul sa mga dapat mong gawin. Kailangan daw dunk agad ang unang tira, sabi naman ng isa hinay-hinay lang daw para masaya. May palaging nag chi-cheer na “shoooooot” pero meron ding bumubulong na “sablay sana” at ‘di ako sigurado kung sino ang anghel doon at masamang espiritu. Basta isa ang sigurado masarap sa pakiramdam pag naka shoot. Isa pang bagay, mas may thrill ‘yung tirang naglalaro muna sa ring, umiikot-ikot, ‘yong parang may pag-aalin langan ang bola kung papasok o lalabas.

 

5. Pang pinale sa lahat, kung ikaw ay pandak na player, payat, marunong ka mang maglaro pero naramdaman mong hindi kayo match na magkalaro ng isang matangkad, maliksi at mas may abilidad na manlalaro, ipasa mo ang bola sa kanya at hayaan mo syang humanap ng bagay at naayon sa kanya. Hindi sya uunlad sa’yo, hindi nya maabot ang pangarap nya o ni hindi nya mahahasa ang iba pa nyang kakayahan kung ikaw ang makaka-dribolan nya sa haba ng panahon at hindi mo sya ma-ihahatid sa tunay o dapat sana’y makamit nyang tagumpay. Humanap ka ng ka-match mo, ‘yong sa palagay mo ay kasukat mo ng talento at doon mo gugulin ang paghahasa sa mga sarili nyo para maging ganap kayong champion, may baned man o wala, depende sa kasunduan nyo ‘yun, depende sa level ng kakayahan nyang unawain ang nakatakdang rules, depende kung tanggap ka sa liga. Para sa naunang player, maraming court na pwedeng pagpraktisan, at sobrang daming team ang maaring makadiskubre ng talento mo at napakalaki ng tsansang maging MVP ka. Ang unang bagay lamang na dapat mong gawin ay mag warm-up, magjogging palayo sa court mo dati at talunin ang bakod patungo sa bagong laro ng buhay.

 

love, paglalaba etc…

Sa katulad kong naririto sa abroad, namumuhay ng solong katawan, sagot ko ang lahat sa sarili ko, mula sa pagluluto, pagtikim ng niluluto, pag-iisip ng lulutuin, paglalaba, pamamlantsa, paglalampaso ng sahig, basta lahat ng gawain ako ang sasagot. Ang pamumuhay dito sa mundo ay parang pakikipaglaro sa sarili mong emosyon, ikaw ang bahalang piliin ang gusto mong maging mood sa araw-araw na nakakatayo ka pa sa iyong higaan at malayang naigagalaw ang iyong mga kamay para pasayahin ang sarili. Marahil ay hindi lingid sa kaalaman ng mga ilang napapadpad dito o ng ilang naabot ko pang makausap sa telepono, sa YM o kahit saan pa man na isa akong pala-mahal na tao at nung isang day off ko habang ako’y kumakanta sa loob ng banyo at nililibang ang sarili o dapat ngang sabihing inuuto ang sarili sa paglalaba, naiisip kong ang paglalaba o ang pangangalaga sa damit ay para din lang pakikipagrelasyon. Ang mga babae sa buhay ko ay parang mga damit ko, may luma at nakasanayan na, kupas at may punit pa, pero dahil sya ang gusto mong maging panangga ng katawan mo, lagi mo syang sinusuot, may mga bago, kaakit-akit, nakaka-excite suotin at pagmasdan habang naka display pero di mo alam kung paano makukuha at makakasalo ng katawan mo, may mga damit ka naman na mahal mong nabili, may dating ang brand pero talagang ‘di ka kumportableng suotin, may ilan naman na galing lang sa ukay-ukay, o pinaglumaan na pero paborito mo at sukat na sukat sa’yo, kumportable ka at palaging nasasama sa labahan mo para maihanda mo syang palagi sa pakikipagniig sa katawan mo sa mga susunod pang mga araw. Isang batayan, kapag laging nilalabhan ibig sabihin mahal mo sya.  Sa paglalaba mo naman mauunawaan kung sino ba talaga ang palagi at talagang nakakaramay mo sa pinagdaraanan mo sa buhay, kung sino ang palaging naroroon, sila ang mga pinagkatiwalaan mo at binigyan ng pagkakataong patunayan ang kahalagahan nila sa sarili mo. Ang mga nakahanger at maingat na nakatupi naman ay may ibat iba ring kategorya, maaring sila ang mga itinatangi mo sa lahat at inirereserba sa pinaka importanteng lakad mo sa buhay ika nga ng lolo ko ay “pang-duyo mo yan apo” o ibig sabihin ay “pang malakasang porma” at meron din naman doon na wala na talagang kwenta sa iyo, sila ang mga “pare, gawin ko na lang bihisan ko to ha” at sasagot ka naman na, “oh sige kahit gawin mo pang basahan yan” sino ‘yong mga ‘yun? sila ‘yong itinangi mo sa buhay mo at pagkatapos ay itinapon ka rin lang at tinapakan.

saveless?

Kung bakit matapos ang ilang taong pagpapagal mo ay mamumulat ka na lamang isang umaga na hanggang ngayon ay wala ka pa ring ipon, estranghero pa rin sa’yo ang salitang “savings account” at wala ka man lang naipundar o kung meron man ay kakaunti pa. Sa kaso ko, isa akong taong maisasangkot mo sa tamang pagmamando at pamamahala ng pera dahil sa linya ng pinag-aralan ko. Dalawampu at anim na taong gulang na ako ngayon at kung matagal na kayo sa lungga kong ito marahil ay batid nyong bata pa lamang ay nakakahawak na ako ng pera na bunga ng aking pagpapagod, pero isang araw ay nagising ako at hinanap ang mga naging bunga ng paghihirap ko sa nakalipas na panahon. Sa ngayon meron akong maliit na di pa tapos na tapos na bahay na tinitirahan ng mga kids at ni ginang sa pilipinas at bukod dun ay ang mga ilang gamit na lamang sa bahay na nabili ko sa halos limang taon kong pamamasukan sa huling kumpanyang pinagtrabahuhan ko sa pinas ang meron ako kung materyal na bagay ang pag-uusapan. Ano ba ang kahalagahan ng mga pagkukwenta, sa totoo lang wala akong pakialam sa kung magkano ang kinikita at nagagastos ko, mali man sa paningin ng iba, wala akong espisipikong pagpaplano sa buhay patungkol sa pananalapi pero marami ang nagkokomento sa akin na kuripot daw ako at hinggil dyan gusto kong ilahad sa inyo ang ilan nilang basehan ng pagsasabing “naku yang si dondon kuripot yan” at eto ang ilan:

1. kapag may bertdeyan o anumang okasyon at kung sa pilipinas malamang ay inuman yan, hindi ako mag-aambag o kung sakali man malamang na ako ang pangalawa sa pinakamaliit ang bigay, bakit? dahil hindi ako natutuwa sa inuman, wala akong pakinabang at wala akong nakikitang kapaki pakinabang sa paglaklak ng mapait na likido pwera na lamang kung sobra akong napahiya pero baka iisa pa o  dalawang beses pa lamang iyon nangyayari.

2. lagi akong nakatutol sa mga magulang ko noon sa pagbibigay ng malaking halaga bilang regalo sa tuwing kukunin silang ninang sa kasal, bakit ka magbibigay ng 20, 000 kung uutangin mo pa yan maka- afford lang sa standard na bigayan, hindi naman negosyo ang pagpapakasal at ano ang pakialam ko kung magtawa sila dahil lamang sa 3, 000 ang naibigay mo sa kanila, kailan pa naging mas matimbang  ang pride kaysa sa pag-iisip kung may kakainin ba ang mga anak mo.

3. hindi rin ako pala libre sa mga kaibigan ko kung meron man, pero marami din akong napakain at sana isipin mo ang pagkakaiba.

4. Nung isang araw, nakita ko ang picture ng pamangkin ko sa facebook at binati nung isang kaibigan na “uy mamahalin ‘yong damit ni baby ah” sa totoo lang natuwa akong malaman na afford nila ‘yong ganung bagay, naisip ko si angela at AJ ko, ano kaya ang damit meron sila? mamahalin din kaya at nakasuot kaya si AJ ko ng may matigas na marka nung tag nung damit na ‘yun? Pumasok agad sa utak ko ang isyu ng sinasabi nilang kakuriputan ko, iniisip ko kung tama ang unahing tumulong sa iba habang nabibiyayaan mo rin naman ang pamilya mo ng sa inaakala mo ay sapat sa kanila…kung pagkukulang ko man ang mga bagay na ‘di ko maipagkaloob sa mga anak ko gaya ng tag-iisang dosena ng ibat ibang kulay at kombinasyon ng oshkosh.

5. lumaki ako sa hirap at ewan ko kung ako lang talaga pero ‘di ako makakabili gaya nung isa kong kaibigan ng isang pares ng tsinelas na nagkakahalaga ng 1, 200 na mahigit na sa kita ko ay ‘di naman tatagal kapag itinakbo ko sa amin sa bundok at wala kayong karapatan para pagtawanan ako.

Isang bagay: Ang aking personal na pananaw kung bakit maraming OFW kahit gaano katagal na nagtatrabaho sa abroad pero nananatiling mahirap pa rin, “kahit di naman marunong magkalikot, laging may gadgets na ‘di naman talaga ganung kakailangan, laging may pinadadalhan ng mamahaling cellphone, laging may branded na sapatos kahit di naman nasusuot at ano pa at napakaraming iba pang dahilan.

 

 

ONE STEP AT A TIME…itay…

Dear Tatay,

Maraming oras ang ginugol ko bago ako tuwirang nakatipa dito para ihain ang isang liham na ito nang isang anak na kagaya ko ang aakda upang ialay sa iyo ama ko. Namulat ang mga mata ko sa sira-sirang ding-ding ng bahay nateng gawa sa pawid dati, sa mga kalderong nakasabit sa ilalim ng bubungan nateng butas-butas upang kahit paano ay di kami mabasa sa panahon ng tag-ulan. Maestro ang kadalasang tawag sa iyo ng mga tao sa baryo naten sa kabundukan kung saan napatigas mo ang aming butong magkakapatid. Ako ang bunso o mas tamang sabihing latak ng lima mong naging anak. Sa piling mo ama, marami akong natutunan kapaki-pakinabang pwera sa mga bagay na sa palagay ko ay mali at marami rami rin iyon… nang magka-isip ako ng konti naintindihan kong hindi standard ng pagiging tatay at asawa ang sobra at palagiang paglalasing na kadalasan o mahigit sa isandaang porsyento ay mauuwi sa pang-gugulo mo sa bahay naten na isang malakas na tulak mo lang ay maaring magiba agad. Sa palagay ko ay hindi rin tama na batuhin mo ako ng malaking tipak ng bato dahil lang sa hindi ko agad nasunod ang utos mong bumili ng serbesa mo. Marami kang atraso sa aming magkakapatid pero kung bakit kailangan ko pang sabihin ‘yun dito…alam mo ba kung bakit? dahil ito ang alam kong unang hakbang para magawa ko rin ang parte ko bilang ama ngayon…Maraming taon ang lumipas kasabay ng maraming bagay kong pinagdaanan at maraming bagay din ang dapat kong ipagpasalamat sa pagkakaroon ko ng amang katulad mo. Ikaw ang nagpumilit at gumawa ng paraan para mabuhay kaming lima, nariyan ang halos gawin mong araw ang gabi sa mga panahong wala ka sa impluwensya ng malademonyong ispiritu ng alak… na nagsisimula ka ng magsaka alas dos pa lang ng madaling araw at pagkalabas mo sa pinagtuturuan mong eskwelahan na halos pitong kilometro ang layo sa bahay naten, lakad, sa gubat ang daan, masukal may posbilidad na makagat ng ahas at walang posibleng makasaklolo agad sa iyo anuman ang mangyaring masama sa iyo sa daan, sa loob ng walong taon.  Maraming bagay ang naranasan nateng hirap. Nariyan ang malubog tayo sa utang, ang halos mamalimos tayo para lang may ma-ipangtustos kami sa pag-aaral, nariyan ang manirahan si ate para lang may mabawas sa gastusin sa kakarampot mong kinikita noon na halos dalawang buwang advance ang gastusin sa sasahurin mo. Kaya ano ang ngyari, lahat ng posibleng tulong na magagawa namin sa iyo, ginawa namin, natatandaan mo ba ng maglayas si kuya at halos ikabaliw ni inay dahil lingid man o lantad sa kaalaman mo, si kuya ang pinakamamahal ni inay sa lahat, sinubukan nyang magmaynila para lang makatulong sa iyo…maraming araw at gabi na puno ako ng kawalan ng pag-asa, pero madalas din na naiisip ko noon…eh ano kong inipit ako ng mundo sa mahirap na sitwasyon, ‘di ko na hihintayin pang tabunan ako at kainin para mawala na lamang…kagaya nina kuya, ginawa ko rin ang parte ko, at masasabi kong tagumpay ako dun, nariyan ang gabi kong pag-uwi galing sa pagtitinda ng kahit ano, ang pagpapa-upa sa ibang tao makadagdag lamang sa kita nateng mag-anak. Mula noon wala akong nagagawa kundi ang umiyak mag-isa, Naalala mo pa bang ang mga gabing bigla na lang akong nawawala? babalik lamang ako pagkatapos kong umiyak mag-isa, palagi ko ‘yong nararanasan, kulang ako sa atensyon nyo noon, puro pagmumura mula sa inyo ang palagi kong naririnig kaya lumaki akong may sama ng loob sa inyo…pero kapag lumuluha ako, wala kayong naririnig na salita, puro luha lamang ang dumadaloy, ngayong araw na ito gusto kong ibuhos ang sama ng loob na iyon na naipon sa akin…alam mo ba  ang huling araw na nakaramdam ako ng pagmamahal mula sa’yo, nung umiyak ka sa harap ko habang halos ay bawian nako ng buhay nunglumubha ang sakit kong hepatitis, dun ko lang naramdaman na mahal mo ako..salamat sa iyak na iyon tatay. Ngayong ako naman ang nasa posisyon bilang ama ng dalawa kong anak nais kong hamunin ang sarili ko, ngayon oras ko naman para baguhin ang tadhana at ang magiging bukas ng mga anak ko, nais kong kapag sila naman ang nabigyan ng pagkakataong sumulat sa ama nila ay mas marami ang masasarap na oras na maikkwento nila kesa sa mapapait na alaala. Ngayon biglaan man…inuubos ko na ang lahat ng landi sa katawan ko…Hindi lang ito para sa sarili ko…para ito sa mga anak ko…

(ikinalulungkot ko ang lahat…)

Nagmamahal,

mcdo

Realidad: “Ang hikbi ng isang ama ay mas malakas sa inaasahan mo, bakit? dahil minsan lamang, sa madilim at tahimik na lugar ‘yon kadalasang nangyayari”

sa lahat ng may pakialam sa akin…

ano ang tatlong pangungusap na masasabi mo tungkol sa akin? (lahat ng salita– pagmumura, galit, pagmamahal, awa at kung anuman basta totoo sa inyo ay hinihingi ko…salamat)

sibuyas ka ba? bakit luhaan ako ngayon?

paunang liham… at napakamadamdamin…
Oct. 17, 2009

Doha, Qatar

Ang daming nagiging simula ng pangngusap na ito. Ilang beses kong inisip kung paano simulan. Parang utak ko rin, marami gustong maging simula hanggang wala naman talagang nasasabi. Minsan pa mali ang lumalabas na pangungusap kaya nalilito na rin ang sinasabihan. Nakakahilo. Ano bang pinagsasabi ko ngayon? Gulo ng utak ko no? Isang pagkakataon pa lamang ito ng may gusto ako sabihin pero di ko talaga alam simulan.

Paano ba kita nakilala? Kung di mo ginamit ang account nya di kita makikita. Kung hindi kayo ng mga panahong yun, hind rin tayo ngayon. Ang lahat ng simula natin ay dahil sa kakaibang paraan. Mali sa tingin ng lipunan pero sino bang may pakialam sa sasabihin nila kung hindi naman talaga nila naiintindihan. Nagsimula sa tipikal na usapan ng taong di magkakilala. Tinantya kung hanggang saan ang kakayahang magbigay ng opinion at reaksyon sa mga bagay bagay. Kinilala kung hanggang saan ang isip at kakayahang intindihin ang mundong inaakala nating madaya. Hanggang napansin natin na sa napakaraming bagay, mas naiintindihan kita at naiintindihan mo ko. Bago pa man maisulat ang mga salita, alam mo nang yun ang reaksyon ko. Kakaiba sa dalawang taong di pa naman nagkikita talaga sa mata, hindi pa magkakilala sa mas malalim na kahulugan nito. Habang tumagal idiaan ko sa biro, pero nahuhulog na loob ko sa yo, pinilit ko pa ring itama ang buhay mo na bumalik ka sa kanya, sa legal na may ari sa yo. Hindi ko akalain na mangyayaring ako rin pala ang masasaktan kung sakaling gawin mo yun.

Isang linggo ka ng akin ngayon. Napakabilis ng pangyayari na hindi nag isip ang utak. Puro puso ang nagpasya. Walang kyeme at pangamba, akin ka na.

Kahapon, ginising ako ng tawag mula dyan pero hindi galing sa ‘yo. Mula sa bestfriend ko nung college, kinumusta nya ako at pasensya na raw at masyado sya busy na nawalan na sya ng time kamustahin ako ng mga nakaraang linggo. Kwentuhan, kamustahan, pero pagdating sa time na ikaw na ang kinukwento ko, parang biglang nagkaron ng bikig sa lalamunan ko, parang bigla akong nag isip kung paano ko ba sisimulang ipaliwanag kung gaano kasaya ang nakaraaang linggo ko, kung mararamdaman din ba nya na sa mahigit isang taon ko dito, ngayon ko lang naisip na naligaw ako ng trabaho na dapat ay dyan din ako. Hindi ko na matandaan kung paano kita naikwento o kung naikwento ba kita sa paraang gusto kong maramdaman din nya kung gaano ka kahalaga sa akin. Kung gaanong kaya kong gawin lahat makasama ka lang dyan, hindi ko rin alam kung naniniwala sya sa sinasabi ko. Masyado na yata siguro sya nasanay sa akin na laging masyadong excited sa mga bagay pero lagi ring tumatakbo sa kanya pag nawala na at iniwan na naman ako. Masyado sya sanay sa akin na paulit ulit lang ang nangyayari. Makakita, makikilala, mamahalin, at pagkatapos ng lahat ng mga pangako, ng mga plano ay iniiwan din. Ganyan ang style ng love stories ko, masaya, pero sa una lang lagi. Sana narinig nya sa boses ko na hindi na katulad noon ang kung ano meron ako ngayon. Sana naipaliwanag ko sa kanya kung gaano kita pinahahalagahan sa puso ko ngayon. Sana alam nya na pati utak ko ay hindi gumagana upang magisip ng bukas at kung ilang buhok lang matitira sa kin pag nalaman to ng lola ko. Sana alam nya na nakita ko ang sarili ko sa ‘yo.

Nagulo na utak ko, pagkatapos ko sya kausapin, pagkatapos ko basahin ang text mo, pagkatapos na marealize kong wala akong load para matawagan o mareplyan ka. Kahapon, mag isa na naman ako sa bahay. Kahapon, tumakbo ang utak ko at nagsimulang kuhanin ang control ng buong sistema ng puso ko. Kahapon nagsimula akong mag isip. Mula sa asawa mo, na hindi mo sya mahihiwalayan sa mata ng tao at sa mata ni Bro., mga anak mo na kahit kelan ay magiging kahati ko sa ‘yo o magiging unfair akong kunin ang dapat sana ay mga panahong kasama mo sila sa bawat sandali ng pagdevelop ng kanilang buhay. Mahirap lumaki ng walang magulang, alam ko yun. Yun ang pinakamalungkot na paraan ng paglaki ng isang tao, yung walang magulang na aalalay sa bawat panahong dapat ay nandun ka. Magiging unfair akong kunin ka sa kanila. Tiyo ko nagpalaki sa kin na kilala ako sa pagiging matapang, tama, at may kakayahang dalhin ang sarili kahit saang parte ng mundo. Lola ko na kahit kailan ay walang faith sa akin, na ako na ang pinakamasamang tao na nakilala nila sa di ko rin maipaliwanag na dahilan kung bakit halos isumpa nila ako. Mga kapatid ko, mga kaibigan, si Michael.

Ang dami pala nila. Ang daming ikonsidera sa bawat pagkakataon. Maiintindihan kaya nilang mahal kita sa kabila ng hirap na naghihintay sa atin? Na handa akong isugal ang kung anong meron ako para makasama ka? Na ikaw lang ang taong handa akong tanggapin kahit ano pa man ang mga pinagdaanan ko? Mainitindihan kaya nila yun kung may isang pamilyang masisira dahil sa akin? Maiintinddihan kaya nilang hindi lang dahil sa kasal nabubuo ang isang pamilya? Na mas mahal kita kahit ano pa sabihin nila? Madaya pa rin ang mundo, pero maano ba? Mahal kita at yun ang alam ko ngayon. Mahal mo ako at yun ang nagbibigay tibay sa loob ko na akin ka lang sa susunod pang panahon. Magulo man, mahirap, may kahati at hindi legal. Masaya pa rin akong isiping darating ang araw na ikaw at ako ay isa lamang. Na sa mga araw na tatanda ako ay ikaw ang titingin sa bawat kulubot ng mukha ko. Na matutulog akong ikaw katabi ko at gigising ako sa mga bisig mo gaano man ako kabigat. Ikaw lang, masaya na ako.

Naisip ko noon na hindi ko na talaga makikita ang para sa akin, na hindi naman nya ako hinahanap kahit pagud na pagod na akong hanapin sya. Tama pala ako, di mo naman ako hinanap talaga, hindi mo intensyong makilala ako nung makita mo ko. Pero binigay ka rin sa akin ng pagkakataon. Sa mali mang panahon, alam ko lang na akin ka na ngayon. At hindi na ako mag iisip ng kung anu ano sa darating na mga araw. Panatag ang loob ko na ang panahon din ang gagawa ng pagkakataong matanggap ng lipunan na akin ka lang. Nagsimula man sa hindi tipikal na sitwasyon, sa magkahiwalay na mundo, sa magkaibang estado ng buhay. Akin na ka simula nung isang linggo, simula nung sabihin mong sa ‘yo na ako.